10/30/10

Sa Iyong Pag-alis (Crazy for You)

Hi guys!
share ko lang sa inyo ung ginawa kong kanta. Tono siya ng Crazy for You ni Madonna, ginawan ko ng tagalog version. Sana magustuhan ninyo!



I
Ngayon ako ay nag-iisa
Luhaan at nagdurusa
Magbuhat ng ako ay iwan mo

II
Hawak ko ang iyong larawan
Iniisip ang nakaraan
Bakit nga ba ikaw ay lumayo
at nilisan ako


Chorus
Ikaw ngayo's wala na
Pangako mo sak'n ay nasaan na?
Habambuhay na magsasama

O kay sakit, naghihinagpis
Sa iyong pag-alis

III
Pilit kong itinatago
Ang lungkot ng iyong paglayo
Hindi ko pa rin natatanggap

IV
Ito ba ay panaginip
Gisingin nyo'ko sa aking pagkaidlip
Dahil hindi ko na makakaya,
ang mag-isa

(Repeat Chorus 2x)


Sa'yong pag-alis, sa'yong pag-alis

O kay sakit, naghihinagpis
ng iyong pag-alis

10/29/10

TORPE-do

Tinatanaw lang kita noon
mula sa di kalayuan,
Pinagmamasdan ka
kasama ang iyong mga kaibigan..

Maayos ang iyong postura,
Suot ang unipormeng pang-eskwela.
May bag ka pa nga na itim,
Na talaga namang maganda sa paningin..

Nabubuo ang araw ko
kapag nakikita ka,
Inaabangan kang dumaan
sa pasilyo ng ating paaralan..

Ilang taon akong ganyan,
Nangangarap sa kawalan.
Pinapangarap na makasama ka,
Kahit ilang saglit lamang..

Nang dumating ang pagkakataon
na hindi ko inaasahan,
Kinausap mo ako't
tinanong ang aking pangalan..

Hindi ko na alam ang aking gagawin,
Hindi ko alam ang sasabihin.
Hindi ko talaga akalain,
na ako'y iyong papansinin..

Wala akong masambit,
Tila ang dila ko'y naipit.
Umiral ang katorpehan,
Umiral ang katangahan..

Bakit nga ba ganito?
May pag-asa pa bang mabago?
Mamahalin mo kaya ako?
Kahit ako'y isang TORPE-do?

10/27/10

Alaala

Ayaw kitang isipin dahil ako'y nasasaktan,
Dahil nagbabalik lamang ang nakaraan.
Nakaraan na ayaw ko nang balikan,
Nakaraan na gusto ko nang kalimutan..

Pero bakit ako nagkakaganito?
Ayaw ka pa rin mawala sa isip ko.
Alaala mo'y palagiang nagbabalik,
Nasasabik pa rin sa'yong yakap at halik..

Alam kong masaya ka na sa piling nya,
At alam kong mahal mo talaga siya.
Pero bakit hindi kita magawang bitawan,
Dahil ba sa nabitin nating pagmamahalan?

Hindi ko mapigil ang pagtulo ng aking mga luha,
Dahil sa pag-iyak lang ako nagiging masaya.
Nararamdaman ko ang iyong pambabalewala,
Pero andito pa rin ako't palagiang umaasa..

Bago sana ako mawala, nais kong malaman mo
Na ang pusong ito'y minahal ka ng totoo.
Dalangin ko ang iyong kaligayahan,
Salamat sa alaalang hindi ko malilimutan..

10/26/10

Soul Searching

Tahan na, wag ka nang umiyak,
Wag na malumbay sa aking paggayak.
Hindi rin naman ako magtatagal,
Ipapahinga ko lang sandali ang isipan kong pagal..

Sa dami ng nangyari,sa dami ng nagdaan,
Hindi pa rin kita magawang kalimutan.
Para kang anino na palagiang nakasunod,
Magtago man ako'y tiyak pa ring matutunton..

Sapat na bang lumayo upang hanapin ang sarili?
O kailangang harapin ang takot na namamayani?
Pero handa na ba ako sa mga posibleng mangyari?
Ngunit pakiramdam ko'y ang sagot pa rin ay hindi..

Bakit nagbabalik ka pa rin sa puso ko?
Gayong hindi na ako ang ninanais mo.
Bakit ikaw ay muling nagpaparamdam?
Gayong matagal na kitang nakalimutan..

Tahan na, wag ka ng umiyak,
Mabuti pang talikdan na natin ang lahat.
Tanggap ko na'ng hindi na tayo magtatagpo,
Hindi na magbabago kahit lumuha pa ng dugo..

10/23/10

Stolen by Dashboard Confessionals

Hi guys!

Share ko lang itong isa pang song na madalas kong pinapakinggan sa youtube. Hindi ko alam pero gandang ganda ako dito sa song na ito. I hope you'll like this one also!






Enjoy and stay in love! =)

10/22/10

Panaginip

Tayo ay magkasama na,
Naglalakad sa kalsada.
Magkahawak ang kamay,
Habang papasok tayo sa eskwelahan..

Nakakausap kita,
Nakakasama ng matagal.
Nakakabiruan pa nga minsan,
Masayang nagkukwentuhan..

Nahahawakan ko ang kamay mo,
Nayayakap ka ng mahigpit.
Hindi ako makapaniwala,
Pero nararamdaman talaga kita..

Ngunit pag pasikat na ang araw,
Nagbabago ang lahat.
Ang masayang pagsasama,
Nagiging munting alaala..

Biglang nagbabago,
Unti-unting naglalaho.
Pagdilat ng mga mata ko,
Balik ulit sa tunay na mundo..

Kaya ko na? O kaya ko pa?

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman,
ng ika'y muli kong nasilayan.
Parang kaya ko nang ibigay ang kapatawaran
at handa nang muling masaktan..

Pag-ibig na ba ang nais kong simulan?
o dala lang ito ng matinding kapanabikan?
Hindi makapaniwalang ika'y muling naririto,
Parang dininig ng Diyos ang tanging dalangin ko..

Sinabi sa sarili na kakayanin ko ang lahat,
Hindi na hahayaang sa tamang landas ay sumalungat.
Kaya ko na bang umibig ng hindi nagtatago sa likod ng iyong anino?
o hahayaan pa ring ang puso kong patuloy na naghihintay sa'yo..

Parang hindi ko makakayang magsimulang muli,
Pagkat sa puso ko'y ikaw pa rin ang namamayani.
ilang beses ko mang sabihing ayoko na,
Puso ko pa rin ang nasasabing mahal pa rin kita..

10/20/10

Nalilito

Hindi ko alam kung bakit,
Hindi ko alam kung paano,
Makakayanan ko pa ba?
Nahihirapan na ako..

Ayokong manloko,
Ayoko ring mabigo,
Ayokong masaktan,
Lalong ayoko ng ganyan..

Mas gusto ko pang umibig
Kaysa ako'y ibigin.
Ako'y minamahal nya,
Sa akin naman ay iba..

Gusto kong lumayo,
Gusto kong mag-isa,
Kalimutan ang lahat,
Magsimula ulit sa una..

Kailangan kita.
Ako ba'y kailangan mo rin?
Handa akong iwan ang lahat,
Para lang sa'yo..

Anong aking gagawin?
Ako'y litong lito.
Baka sa muling pagbukas ng mata ko,
Wala ka na sa tabi ko..

Smile by Uncle Kracker

Hi guys!

Share ko lang sa inyo yung isa sa mga madalas kong pinapanood sa youtube. Ang ganda kasi ng pagkakagawa ng video tsaka saktong sakto sa mga taong nagmamahalan. Gusto kong maging isa ito sa mga wedding songs ko balang araw.

"It is easy to be a HATER. Go for the difficult task: be a LOVER.." - Paulo Coelho







Stay in-LOVE. =)

10/19/10

Magbalik Ka Sana

Masdan mo ang kalangitan,
Nababalutan ang ulap ng kadiliman,
Nagbabadyang magsaboy ng kalungkutan,
Sa mundong puno ng kasakiman..

Saluhin mo ang mga luhang papatak,
Mula sa langit na umiiyak,
Pakalmahin ang alon sa karagatan,
Hinagpis na dala'y hindi mapigilan..

Isang unos na naman ang darating,
Paano ko makakayanan kung hindi ka kapiling?
Simula ng umalis ka't ako'y nilisan mo,
Ang buhos ng ulan ay hindi na humihinto..

Kelan muling masisilayan ang Haring Araw?
Tila ang kaligayaha'y hindi ko na matanaw,
Pati mga bitui'y unti unting lumalayo,
Nawawalan na ng pag-asang tayo'y muling magtatagpo..

Umaapaw na ang ilog pati na ang mga lawa,
Pero sa aking tabi, ikaw pa rin ang wala.
Malakas ang hanging dala ng bagyo,
Umaasang maisip mong ako'y naghihintay sa'yo..

Dumating sana ang panahong ako'y maisip mo,
At maisipang bumalik muli sa piling ko.
Magawi ka man sa lugar kung saan mo'ko iniwan,
Naghihintay pa rin ako dun para iyong balikan..

Manhid

Sadya bang ganito ang pakiramdam,
Kapag ang magmahal ay hindi mo na alam?
Ang lahat sa'yo ay pilit lalayo?
Maiiwan kang nag-iisa sa mundo.

Bakit nga ba naging ganito?
Hindi nga ba't dahil sa'yo?
Ang pagiging manhid at kahibangan,
Sa'yo ko lang lahat natutunan.

Mukang masaya ngang mag-isa,
Wala kang iba na inaalala.
Pero magiging sino na kaya ako,
Kung wala ng masasandalan ang aking pagkatao.

Sino na kaya ang magtuturo sa akin?
Na maibalik ang nasira kong damdamin.
Sino na kaya ang magbibigay sa akin?
Ng pagkakataong muling magmahal, at mahalin..

10/16/10

Lungkot

Mag-isa na naman ako’t hindi makatulog,
Pagkat ang isip ko’y merong gumugulo.
Bigat ng kalooba’y hindi pa rin naaalis,
Puso kong ito’y meron pa ring hinagpis.

Tama ba ang ginawa kong paglayo?
At piliting umiwas sa iyong mundo?
Ganoon ba talaga ako kasakim?
Masyadong iniisip ang mapupunta sak’n..

Dapat lang sak’n na ito’y maranasan,
Ang malugmok sa walang hanggang kalungkutan.
Pinasok ko ang larong hindi ko naman alam,
Kaya sa mga tanong ko’y wala pa ring kasagutan.

Gusto kong abutin ang iyong kamay
Sa tuwing ika’y nahihirapan.
Pero alam kong sa puso mo’y
Hindi mo ako kailangan..

Nais kong pawiin ang mga luhang
Dumadaloy sa iyong pisngi.
Pero ang mga luhang ito’y
Dala ng aking pagkakamali..

Tunay ngang hindi mo mababatid ang halaga ng isang bagay,
Hangga’t hindi siya nawawala sa iyong mga kamay.
Tunay ring nasa huli ang pagsisisi,
Kaya ikaw ngayo’y wala sa’king tabi..

Kung nasabi ko lang sa’yo ang laman ng puso ko,
Edi sana, hindi ako nahihirapan ng ganito.
Hindi man ako ang iyong piliin na makasama mo,
Masaya na rin ako..
Basta masabi ko lang sa’yo, na mahal kang totoo..

Ayoko Na

Mas mahaba ngayon ang gabi sa araw,
Kasing haba ng panahong ako’y nag-iisa.
Katulad rin ng tubig na umaagos sa karagatan,
Ligaya ko’y pupunta rin sa malalim na kalungkutan..

Maayos naman ang pagdating ko sa mundo,
Ako lang siguro ang nagpapagulo dito..
Sa paglisan dito’y lubhang napakahirap,
Pagkat ligayang hanap ay sadyang mailap..

Akyat-baba ako sa pedestal ng buhay,
Ngunit hindi pa rin kita nakikita sa aking paglalakbay,
Mabilis ang mga pagbabagong nagaganap,
Pero mabago man ang lahat,
Ikaw pa rin ang siyang hanap..

Ayoko nang mag-isa, ayoko nang lumuha,
Ayoko nang pumikit at mangarap pa,
Ayoko na ng buhay na hindi ka kasama,
Ayoko na ng lahat, ayoko na..